Isang lalaki sa Davao City ang naghahandog ng libreng gupit sa mga kapus-palad na nakatira sa kalsada o sa ilalim ng tulay. Ang lalaki, minsan din umanong naranasan na maging palaboy.
Sa ulat ni Jandi Esteban ng RTV-One Mindanao sa "Balita Pilipinas" nitong Huwebes, sinabing binansagang "street barber" ang 28-anyos na si Terrence Zabala, dahil sa ginagawa niyang paggupit nang libre sa mga kapus sa buhay.
"Palaboy lang din ako noon. Lumayas ako sa bahay namin dahil binubugbog ako ng papa ko. Nalulong din ako dati sa droga tapos nagbago lang ako dito sa Davao," kuwento niya.
Ayon kay Zabala, pinag-ipunan niya ang kaniyang mga gamit sa panggugupit para makatulong sa mga mahihirap na walang pambayad sa gupit.
Ang mga ginugupitan ni Zabala, masaya sa libreng gupit na ginagawa sa kanila. At dahil wala naman daw silang pambayad, ang tangi nilang magagawa ay magpasalamat sa tinaguriang "street barber," bagay na ikinatutuwa ni Zabala.
Pero hindi lang daw basta gupit ang ginagawa niya, pinakikinggan din umano niya ang kuwento ng buhay ng mga ginugupitan niya.
Sa kabila ng kaniyang ginagawa, sinabi ni Zabala na instrumento lang siya ng Panginoon.
"Inutusan Niya akong tulungan ang mga walang-wala. I- share ang blessing at ang talent. Wala namang mawawala sa akin kung magbibigay ako nang libreng gupit," pahayag niya.-- FRJ, GMA News
