Hindi pinatawad ng kawatan sa Panitan, Capiz ang isang bagong libing na patay matapos itong ilabas sa nitso ilang araw matapos ang libing para nakawin ang "pabaon" na kuwintas.
Sa ulat ni James Agustin sa GMA News "Unang Balita" nitong Huwebes, sinabing nagulat ang ang kasambahay nang makita na nakalabas sa puntod ang kabaong ng amo niyang si Mela Daliva sa Panitan Public Cemetery.
Kasunod nito ay dumating na ang mga kaanak ni Daliva at doon na nila nadiskubre na ninakaw ang dalawang kuwintas na isinama nila sa bangkay.
"Sa inisyal na imbestigasyon, wala raw ideya ang asawa ng namatay kung sino ang nagnakaw," sabi ni SPO1 Elmer Daliva, imbestigador ng Panitan MPS.
Inilibing si Daliva noong ikapito ng Disyembre, at naghabilin bago mamatay na pabuanan siya ng mga kuwintas ng kaniyang pamilya.
"Sa follow-up sa imbestigasyon, sinabi ng mga kaanak ng namatay na nagtataka raw sila kasi sila lang ang may alam na may kuwintas doon sa kabaong. 'Di rin naman daw kamahalan 'yung dalawang kwintas, P2,000 lang," ayon pa kay Daliva.
Patuloy ang imbestigasyon sa pagkakakilanlan ng magnanakaw.-- Jamil Santos/FRJ, GMA News
