Natagpuang patay at may tama ng bala sa ulo ang isang lolo na 66-anyos at kasama nitong babaeng 22-anyos sa loob ng isang kuwarto ng tourist inn sa Cebu City. Hinala ng pulisya, magkarelasyon ang dalawa.
Sa ulat ni Nikko Sereno sa GMA News TV "Balita Pilipinas" nitong Miyerkoles, kinilala ang mga biktima na sina Ely Malagum at Danica Rose Erolya.
Natagpuan ang mga bangkay nitong Lunes ng gabi at may hawak na baril si Malagum.
Hinihinala ng mga awtoridad, may anim na oras nang patay ang dalawa nang matagpuan ng mga kawani ng establisimyento.
"Sa tingin natin, may relasyon itong dalawa kasi nasa isang lugar sila. We are still waiting for the result of the crime laboratory. So, pinaimbestiga natin sa SOCO ang paraffin at ballistics and nag-request din tayo ng firearm verification if sino 'yung may-ari ng armas," sabi ni Police Senior Inspector Joemar Pomarejos, hepe, Waterfront Police Station.
Sinabing nag-check in ang dalawa noong Sabado at sa Lunes ng tanghali sila nakatakdang mag-check out. Pero nang hindi sila lumabas at hindi sumasagot sa katok ng mga kawani, puwersahan nang pinasok ang kuwarto.
Wala naman umanong nakikitang senyales ang pulisya na may ibang taong pumasok sa kuwarto at pumatay sa mga biktima.
"Based on our ocular observation lang, wala tayong nakita but of course, may mga bagay talaga na 'di natin makikita sa mga mata natin because 'yun nga, technically wala pa tayong result sa crime laboratory sa mga items na na-recover ng SOCO," sabi pa ni Pomarejos.
Kasalukuyang inaalam ng mga imbestigador ang background ng dalawang biktima na isasailalim sa awtopsiya.-- Jamil Santos/FRJ, GMA News
