Armado ng pamalo, sumugod ang isang ama sa ilog para iligtas ang kaniyang 12-anyos na anak na sakmal ng buwaya at hinahatak na papunta sa malalim na bahagi ng tubig sa Balabac, Palawan.



Sa ulat ng GMA News TV "Balita Pilipinas" nitong Lunes, naliligo sa ilog ang biktimang si Diego Abulhasan kasama ang kaniyang nakababatang kapatid nang bigla siyang atakihin ng buwaya.

Kinagat ng buwaya ang kaliwang braso ng biktima at hinatak sa kabilang bahagi ng ilog.

Mabilis namang tumakbo ang kapatid niya at humingi ng tulong sa kanilang ama.

Nagmamadaling dumating naman ang kanilang ama na pinagpapalo ang buwaya hanggang sa pakawalan na nito ang kaniyang anak na nagtamo ng sugat sa braso at mukha.

Ligtas na ang bata at kasalukuyang ginagamot sa ospital. -- Joviland Rita/FRJ, GMA News