Apat na kabataan na nasa edad 10 hanggang 16 ang arestado matapos umanong pasukin at tangkaing looban ang anim na tindahan sa Davao City. Ang isa sa kanila, sa ospital ang bagsak matapos na mahulog mula sa kisame ng isang tindahan na kanilang pinasok.
Sa ulat ni Sheillah Vergara-Rubio ng RTV-One Mindanao sa "Balita Pilipinas" nitong Huwebes, ipinakita ang video na kuha ni Kenneth Nazareno, na makikita ang isang binatilyong nakasabit sa butas ng kisame ng isang gusali sa Quirino Avenue sa nabanggit na lungsod.
Bukod sa binatilyong nakalambitin, may tatlo pa siyang menor de edad na kasama.
Kilala na raw ang naturang grupo na sakit ng ulo sa lugar dahil sa pagkakasangkot sa mga insidente ng nakawan.
Katunayan, anim na tindahan daw ang pinasok ng grupo pero nabigo silang makakuha ng pera na sinasabing pakay daw ng mga menor de edad.
Ang pinakabata sa grupo na 10-anyos, dinala sa ospital dahil nahulog mula sa kisame nang tangkaing tumakas.
Noong nakaraang buwan, nilooban din ang isang establisyimentong nasa tapat ng gusali at nakunan din ang apat na menor de edad sa CCTV.
Ang dalawa sa apat na menor de edad, may record na raw sa Sta. Ana police matapos na nanloob din sa isa pang tindahan at nakatangay ng P200,000.
Dahil sa mga katulad na insidente, pabor ang mga may-ari ng mga tindahan na ibaba ang edad ng criminal responsibility.-- FRJ, GMA News
