Isang 23-anyos na babae sa Cagayan de Oro City ang masama ang loob dahil bukod sa ginawang pambabastos sa kaniya ng isang lasing sa kalye, wala raw ginawa ang mga tanod na nasa outpost para siya tulungan.
Sa ulat ni Clyde Macascas ng RTV-One Mindanao sa "Balita Pilipinas" nitong Biyernes, ipinakita ng biktimang itinago sa pangalang Gigi ang video na kuha niya sa ginawang paglapit ng lalaking nambastos umano sa kaniya.
Ayon kay Gigi, naglalakad siya pauwi mula sa trabaho nang mapansin niya ang lalaki na tila lasing at may hawak na bote ng alak sa isang kalsada.
Dahil sa takot, dumistansiya na raw si Gigi pero lumapit pa rin sa kaniya ang lalaki na nakapahaba ang nguso at tinangka siyang halikan.
Umiwas kaagad si Gigi at tinakot ang lalaki na tatawag ng pulis kaya ito lumayo.
Sa takot daw ng biktima, hindi na niya nagawang pa ng tulong. Pero mayroon umanong mga tanod na nasa lugar wala raw ginawa ang mga ito.
"Dapat sila ang unang rumesponde para hindi na 'yon nangyari. Hindi naman sila kumilos. Nasa outpost lang sila. Nakatingin lang talaga," hinanakit niya.
Wala pang pahayag ang pamunuan ng barangay na nakasasakop sa lugar kaugnay ng insidente.
Samantala, alam na raw ng pulisya ang nangyari dalawang batas daw nilabag ng lalaki--ang pambabastos at pag-inom sa pampublikong lugar.
Sabi ni Police Superintendent Mardy Hortillosa II, tagapagsalita ng CDO Police, 24 oras daw ang ginagawang pagroronda ng kanilang pulis sa mga kalsada.
Pero ayon kay Gigi, wala siyang nakitang pulis nang binastos siya ng lalaki.
Sa kabila nito, pinayuhan ni Hortillosa ang mga babae na laging maging alerto at huwag mahiyang humingi ng tulong sa pulisya.-- FRJ, GMA News
