Isang lalaki na hindi umano nakontento sa ginawang panloloob sa isang boarding house sa Cagayan De Oro City, at hinalay pa niya ang dalawa niyang biktima.

Ayon sa ulat ni Clyde Macascas ng RTV-One Mindanao sa "Balita Pilipinas" nitong Martes, kinilala ang suspek na naaresto sa follow-up operation na si alyas Bryan,25-anyos.

Nitong Linggo umano ng madaling araw nang pasukin ng suspek ang boarding house ng mga biktima sa Barangay Agusan sa pamamagitan ng pag-akyat sa bintana at pumasok sa kuwarto ng dalawang biktima.

“Dalawang babae ang biktima. Ang nangyari, umakyat siya sa bintana noong madaling araw. By chance at nagustuhan niya siguro so nag-abang siya sa room na yun. Tapos ginahasa na niya,” sabi ni Cagayan de Oro City Police Station 6 Police Chief Inspector Evan Viñas.

Itinanggi naman ng suspek ang panggagahasa at sinabing lasing umano siya ng mga oras na iyon kaya imposibleng magalaw niya ang mga ito.

Pero aminado siyang nahubad niya ang shorts ng isa sa mga biktima.

“Hindi ko ginalaw ‘yung babae. Sa totoo lang, nahubaran ko siya. Pero yung na… ko, hindi ko nagawa ‘yan,” giit nito.

Nabawi sa suspek ang mga pera at gamit na kaniyang ninakaw sa mga biktima, at  isang kutsilyo.

Isasailalim naman sa pagsusuri ang dalawang babae para alamin kung nagahasa ang dalawa.-- Joviland Rita/FRJ, GMA News