Isang rider na inakalang nabangga lang kaya nawalan ng balanse ang nadiskubreng may tama pala ng baril sa leeg sa Cagayan de Oro City.

Sa ulat ni Clyde Macascas ng RTV-One Mindanao sa "Balita Pilipinas" nitong Huwebes, kinilala ang biktima na si Aresteo Cañeos Agbo, dating chief security guard sa isang pribadong ospital sa CDO.

Unang nai-report sa mga pulis ang tungkol sa motoriklo na umano'y lumihis ng direksyon at natumba sa Balongis, Barangay Balubal. Pero nang dumating na ang mga awtoridad sa lugar, doon na natuklasan na binaril ang biktima.

Kaagad siyang dinala sa ospital pero binawian din ng buhay.

Ang mga kamag-anak ng biktima, wala raw alam kung anong posibleng motibo sa krimen at kung sino ang may gawa nito.

Nanawagan sila sa mga posibleng nakakita sa pangyayari na tulungan silang makamit ang hustisya. -- FRJ, GMA News