Magkayakap pa nang marekober ang mga bankay ng magkapatid na namatay sa sunog sa Pampanga.

Sa ulat ni James Agustin sa "Unang Balita" nitong Huwebes, sinabing nakunan sa video ang paglamon ng apoy sa bahay ng pamilyang Guezon sa Angeles City na ikinasawi ng magkapatid na sina Rianne Mary, 4-anyos, at Roxy Madelyn, 2-anyos.

Naiwan ang magkapatid sa kanilang bahay dahil nasa trabaho ang kanilang mga magulang.

Ayon sa kanilang lolo, susunduin na sana niya ang dalawang magkapatid pero naabutan niyang naglalagablab na ang bahay.

"Habang inaapula namin yung sunog, 'yun nga po nakita ko magkayakap pa rin,” kwento ng kanilang lolo na si Rolando Guezon.

Nang maapula na ang apoy, nakita nila ang wala nang buhay na mga biktima na nanatiling magkayakap.

"Magkasama po lagi sila, kung saan pupunta yung isa andoon po yung isa,” sabi ni Rolando.

Binalikan ng mga kaanak ang nasunog na bahay at nag-iwan sila ng dalawang baso ng taho na paborito  raw ng mga biktima.

Sa inisyal na imbestigasyon ng Bureau Of Fire Protection (BFP), nagmula raw ang sunog sa isang extension cord na nag-overload.

Nakikisaksak lang kasi ang mga biktima sa kanilang kapitbahay dahil walang linya ng kuryente ang  bahay nila. —Joviland Rita/LBG, GMA News