Dalawang lalaki ang pinaghahanap ngayon ng mga awtoridad dahil sa pagkamatay ng isang babae sa San Pablo, Laguna na unang inakala na namatay sa atake sa puso. Pero nang lumabas ang resulta ng autopsy sa biktima, natuklasan na bali ang kaniyang leeg.
Sa ulat ni Emil Sumangil sa GMA News "24 Oras" nitong Lunes, sinabing Pebrero 18 nang makita sa kaniyang kuwarto na wala nang buhay ang 26-anyos na sales supervisor na si Leslie Santos.
Dahil walang nakitang sugat sa kaniyang katawan, walang gamit sa bahay na nawalan, at walang indikasyon na puwersahang pinasok ang bahay, unang inakala na namatay dahil sa atake sa puso ang biktima.
Pero nang lumabas na ang autopsy report, doon na natuklasan na bali ang leeg ni Santos.
Dahil dito, naniniwala si Police Superintendent Eliseo Bernales, hepe ng San Pablo Police, na mayroong nangyaring foul play sa kaso.
"Wala pong forced entry na naganap, buo po ang pintuan, buo po ang mga kisame, ang mga bintana kaya't ito po ay masasabi natin na kilala ng biktima ang ating mga suspek," sabi ni Bernales.
Sa tulong ng isang testigo, itinuro ang umano'y huling tao na nakitang pumasok sa bahay na si Ryan dela Rosa, ang katiwala ng pamilya.
Hindi naman lubos na maisip ng tiyuhin ng biktima na si Jerry Gonzalvo, na magagawa ni Dela Rosa ang krimen dahil matagal na raw ito sa kanila at itinuturing na nilang miyembro ng pamilya.
Ayon sa mga kaanak ng biktima, nagpakita pa sa punenarya si Dela Rosa at napansin nila na tila kakaiba ang ikinikilos nito at tila natataranta.
Ang sinasabing kaibigan at kasama umano ni Dela Rosa sa krimen na si Jordan Bautista, unang nadakip ng pulisya pero pinakawalan ng piskalya dahil labis na sa itinakdang reglementary period ang pag-aresto ng pulisya.
Hinihinala ng pulisya na panggagahasa ang pakay ng mga suspek kay Santos pero hindi natuloy nang namatay kaagad ang biktima.
Sinampahan na ng kasong murder sina Bautista at Dela Rosa, na kapwa hinahanap na ng mga awtoridad.--FRJ, GMA News
