Isang Bryde's whale na halos 30 talampakan ang haba na nakitang palutang-lutang malapit sa baybay ng Barangay San Vicente sa Sta. Ana, Cagayan nitong Linggo ng umaga. Buhay pa nang makita ang balyena pero pumanaw din pagsapit ng hapon.

Para malaman ang dahilan ng pagkamatay ng balyena, nitong Lunes ay nagsagawa ng necropsy ang Bureau of Fisheries and Aquatic Resources-Region II, kasama ang  Municipal Agriculture Office.

Sa paunang pagsusuri, natuklasan na walang laman ang sikmura o walang kinain ang balyena, at naninilaw ang kaniyang atay.

Napansin din ang mga marka ng kagat ng pating sa balyena.

Kukuha umano ng tissue samples sa balyena para matukoy ang tunay na dahilan ng pagkamatay nito.

Ang Bryde's whale ay itinuturing pinsan ng pinakamalaking marine mammal na Blue whale, na nakikita rin ilang bahagi ng karagatan ng Pilipinas tulad ng Palawan at Bohol.

Noong 2017, isang nanghihingalong  Bryde's whale ang napadpad din sa mababang na bahagi ng dagat ng El Nido, Palawan, na kinalaunan ay namatay din. -- FRJ, GMA News