ILIGAN CITY - Sabay sabay na ni-raid ng mga pulis at ng Optical Media Board ang mga tindahan ng DVD sa Barangay Poblacion at Palao sa Iligan City nitong Lunes ng hapon.

Nasamsam ang 400 sako ng pirated na mga DVD at ilang mga gamit sa pagkopya ng mga pelikula. Kasama rin sa mga nakuha ang mga pornographic materials.

Nagkakahalaga ng P56 milyon ang mga DVD.

Inamin ng isa sa mga nagbenta na alam niyang ilegal ang kaniyang ginagawa pero ito lang daw kasi ang alam niyang negosyo.

Ayon kay OMB Chairman Attorney Anselmo Adriano, wala nang umaamin kung sino ang may-ari ng stalls na kanilang ni-raid kaya ang kopya na lang ng Department of Trade and Industry sa mga kumuha sa kanila ng permit ang pagbabasehan kung sino ang mga sasampahan ng kaso.

Ayon kay Adriano, maliban sa pirated ang mga DVD, wala ring lisensiya sa kanila ang mga vendors.

Ito raw ang pinakamaraming pirated na mga DVD na kanilang nakumpiska mula noong Enero.

Nanawagan naman si Philippine National Police City Director Police Colonel Michael Pareja na huwag nang tangkilikin ng mga sibilyan ang binebentang pirated DVD upang di maka-engganyo na pumasok sa ilegal na negosyong ito. —DVM/KG, GMA News