Pumanaw na si Joemar Mangkok, ang lalaking hinangaan ng netizens dahil nagawa niyang tapusin ang kaniyang kolehiyo kahit may karamdaman. Katunayan nang dumalo siya sa graduation rite para tanggapin ang kanilang diploma sa Sultan Kudarat, naka-wheelchair siya at oxygen.

Kinumpirma ni Haguiar Abag, pamangkin ni Mongkok, ang pagpanaw ng kaniyang tiyuhin nitong Miyerkules ng umaga.

Si Abag din ang nag-post ng larawan ng graduation ni Mongkok noong Linggo na nag-viral.

Sabi ni Abag, si Mangkok mismo ang nagnais na personal na kunin ang kaniyang diploma dahil itinuturing niyang malaking tagumpay ang makatapos ng pag-aaral kahit mayroon siyang rheumatic heart disease.

Pinahintulutan naman umano ng mga duktor si Mangkok na dumalo sa graduation ceremony sa Southern Mindanao Institute of Technology sa Tacurong City.

Ayon pa kay Abag, itinuturing ni Mangkok na regalo sa mga kapatid na tumulong sa kaniyang pag-aaral ang nakuhang diploma.

Pinasalamatan naman ni Abag ang mga tumulong sa kanila para makadalo ang tiyuhin sa graduation at naghatid sa kaniya sa ospital matapos tanggapin ang diploma.— FRJ, GMA News