Arestado ang umano’y pusher nang magsagawa ng operasyon kontra droga ang mga awtoridad sa kanyang bahay sa Camarines Sur, ayon sa ulat ni Vonne Aquino sa Unang Balita ng GMA News nitong Huwebes.
Naghuramentado naman sa harap ng mga awtoridad si Jennifer Antonio, ang asawa ng suspek na si Darwin, na mariing na itinatanggi na sa kanila ang isang itim na pouch na nakita ng mga pulis sa kanilang kama.
"Talagang open yan kasi wala kaming tinatago. Ano kami, stupid na maglalagay diyan? That’s bulls—t! That's bulls—t!” sabi ni Jennifer.
Nang buksan kasi ang pouch, naglalaman ito ng limang pakete ng hinihinalang shabu.
"Oh my God! Kung puwede nga itatapon ko diyan dahil bukas pa 'yan but that’s not... Oh my god! Ang Pilipinas, Diyos ko po!" sigaw ni Jennifer.
Ayon sa mga pulis, tulak daw ng droga si Darwin at madalas na nakikipagtransaksyon sa labas ng bayan ng Nabua.
Dati na rin daw nakulong ang suspek dahil sa droga, pero nakalaya lang nang ma-dismiss ang kaso.
Giit ng mag-asawa, itinanim ng mga operatiba ang ebidensya.
“May pouch na po kaagad sir. May pumasok dito, hinahanap ako sir… Malinis na malinis po diyan, ngayon nasa ibabaw na (yung itim na pouch)," sabi ni Darwin.
Ganito rin ang kwento ng kanyang asawa na si Jennifer.
"Malinis 'yan. There’s nothing, wala kahit ano diyan, pero bakit pagpasok namin may pouch na," sabi ni Jennifer.
Nanindigan naman ang mga pulis na lehitimo ang kanilang operasyon. Ayon sa hepe ng Nabua Police na si Major Chester Pomar, nakabili raw ang kanilang tauhan ng illegal na droga kay Darwin bago pa ang operasyon.
"Of course, halos lahat naman ng nahuli natin simula sa simula ganoon talaga ang reaction...Of course, bago naman ‘to nagawan ng search warrant nakapagpabili tayo sa confidential agent ng illegal item," paliwanag ni Pomar. —Joviland Rita/LBG, GMA News
