Hindi emergency, kundi isang wedding proposal pala ang hatid ng pakulong fire drill ng isang bumbero sa kaniyang kasintahan sa pinagtatrabahuhang kompanya nito sa Davao City.

Sa ulat ni Darlene Cay sa GMA News "Unang Balita" nitong Huwebes, makikita sa video ang naglabasang mga empleyado sa kanilang opisina nang marinig ang sirena ng mga bumbero.

Pumasok muna ang mga fire volunteer sa gusali, pero paglabas ng bumberong si Joseph Tacson, lumapit na siya sa kasintahang si Riza Cabido.

Sa halip na water hose, isang malaking stuffed toy at bulaklak ang dala-dala ni Joseph.

Pero matapos nito, dito na siya humugot ng sing-sing at lumuhod sa harap ng kasintahan.

Siyam na taon nang magkasintahan sina Joseph at Riza kaya gusto na nilang ikasal.

Isang bumbero at sadyang sweet si Joseph kaya ito ang naisip niyang pakulo.

"Thank you pa, continue lang ang pagka-sweet at sa mga surprises na ginagawa mo. Mahal na mahal kita," pahayag ni Riza.

"Kung paano niya ako inaalagaan, ganu'n din ang pag-aalaga ko sa kaniya," sabi ni Joseph.

Sa Hunyo sa susunod na taon nakatakdang ikasal sina Joseph at Riza, na magsisimula ng mas maalab pa nilang pag-iibigan. —Jamil Santos/LBG, GMA News