Kalaboso ang isang bumbero sa Davao City matapos isumbong ng sarili niyang asawa dahil umano sa pagmomolestiya sa tatlo nilang anak na babae, na kinabibilangan ng kambal na edad 10 lang.

Sa ulat ni RGil Relator sa GMA News TV "Balita Pilipinas" nitong Biyernes, lumitaw sa imbestigasyon ng pulisya na 2015 pa nang simulang abusuin ng suspek ang panganay nilang anak na 13-anyos.

Samantalang nitong nakaraang taon naman nang abusuhin umano ng ama ang kambal na anak na edad 10.

Para hindi na maulit ang kahalayan ng mister sa kanilang mga anak, nagpasya ang ginang na nagsumbong sa mga pulis para maaresto ang bumbero.

Minsan na rin umanong naaktuhan ng ginang ang pang-aabusong ginagawa ng asawa sa kanilang mga anak.

Ngunit itinanggi naman ng ama ang alegasyon ay sinabing nilalambing lang niya ang mga anak.

Paliwanag niya, mismong anak daw niya ang nagpapasok sa kamay nito sa underwear na kaniyang ipinagtaka.

"Ang simula noon, madaling araw na, pinapasok niya ang kamay niya sa underwear niya, kaya na-curious ako at tiningnan ko. Wala akong intensyong gahasain siya," paliwanag ng ama.

Dagdag pa ng suspek, madalas siyang wala sa kanilang bahay dahil sa Davao Del Norte na siya nakadestino.

Nagulat naman ang mga kasamahan nitong bumbero sa nangyari dahil wala naman siyang masamang record.

"Wala naman so far. Nabigla nga kami bakit niya nagawa iyon. Iniimbestigahan naman namin kung ano ang mga dahilan bakit niya nagawa iyon," pahayag ni Fire Inspector Patricio Broñola ng BFP X1.

Posibleng maharap sa kasong kriminal at administratibo ang suspek.

"Kapag napatunayan, maaari natin siyang kasuhan. Posibleng serious misconduct," ani Broñola. -- Jamil Santos/FRJ, GMA News