Hindi bababa sa dalawanpu ang sugatan matapos muling masangkot sa isa namang aksidente ang pampasaherong bus na Elavil sa Quirino Highway, Barangay San Diego, Tagkawayan, Quezon.

Nangyari ang aksidente pasado alas-11 ng gabi habang bumibiyahe pabalik ng Maynila ang bus galing sa Irosin, Sorsogon.

Photos by Peewee Bacuño

 

Sumalpok ang bus sa barrier ng highway at sa isang puno bago dumiretso sa malalim na canal hanggang sa tumagilid na ito. Wasak na wasak ang unahan ng bus at nagka basag basag ang mga bintana at windshield.

Naging pahirapan ang paglabas ng mga pasahero mula sa loob ng bus dahil sa lalim ng canal. Naabutan ng GMA News ang ibang sugatan na nakalabas na ng bus. Mabilis na dumating ang mga rescuer mula sa MDRRMO Tagkawayan at BFP upang tulungan ang mga biktima.

Ang mga sugatan ay isinugod sa Tagkawayan District Hospital.

 


Ayon sa mga pasahero ng bus, sobrang bilis magpatakbo ng driver. Ilang ulit na raw nila itong pinagsabihan na magdahan-dahan subalit binalewala lang ito hanggang sa mangyari na ang aksidente.

Agad na tumakas ang driver ng bus na kinilalang si Allan Robles, kasama raw nitong tumakas ang konduktor. Nakausap ng GMA News ang reserbang driver ng bus, inamin nito overloaded sila, higit 70 ang kanilang sakay dahil raw sa dami ng pasahero sa Bicol.

Nadamay rin sa aksidente ang isang tricycle, motorskilo at isang kubo. Wasak na wasak rin ang mga ito.

Wala pang dalawang linggo ang lumilipas ay nasangkot rin sa isang aksidente sa Atimonan, Quezon ang Elavil Bus kung saan ay tatlo ang nasawi at 73 ang sugatan.

Sa mga oras na ito nagpapatuloy pa ang imbestigasyon ng Tagkawayan Pulis.

Nakatakda namang ilipat sa pagamutan sa Naga City ang ibang sugatan habang ang iba naman ay patuloy na ino-obserbahan sa pagamutan sa Tagkawayan, Quezon.

Samatala, naalis na naalis na sa lugar kung saan nahulog ang pampasaherong bus na Elavil ngayong umaga. Naging pahirapan ang ginawang pag angat sa bus dahil sa dami at bigat ng mga bagahe. Di bababa sa 20 ang sugatan sa nangyaring aksidente.

 


Nitong Biyernes ng umaga, sumuko na sa himpilan ng mga pulis ang driver ng bus na si Allan Robles matapos itong tumakas at iwan ang mga pasahero ng bus na naaksidente noong Huwebes ng gabi.

Depensa ng driver, hindi raw sya tumakas at nagpunta lang sa isang restaurant.

May iniwasan raw siyang kasalubong na truck kung kaya’t sumalpok ang bus sa barrier hanggang sa tumagilid.

Nailipat na sa isang pagamutan sa Naga City ang ilan sa mga nasugatan. Naka byahe na pabalik sa Maynila ang ibang pasahero na hindi nasugatan.

Ayon kay Police Staff Sgt. Ronaldo Dionido ng PNP Tagkawayan, lumalabas sa imbestigasyon na sobrang bilis magpatakbo ng driver hanggang sa mawalan na ito ng control sa manibela. Nahaharap sa kasong reckless imprudence resulting to multiple physical injury and damage to property ang driver ng bus.

Ayon naman sa kinatawan ng Elavil na si Cesar Salud, sasagutin nila ang lahat ng gastos ng mga sugatang pasahero ng bus. —LBG, GMA News