Sa kulungan ang bagsak ng isang tatay sa Talisay City, Cebu matapos umanong pagsamantalahan ang pito niyang anak, at pati mga lalaki pinagawan din niya ng kalaswaan.

Sa ulat ni Vonne Aquino sa GMA News TV "Balitanghali" nitong Biyernes, sinabing paunang isinumbong ang tatay sa Talisay Police dahil sa karga-karga niyang baril.

Ngunit bukod dito, inireklamo rin siya ng isa sa mga anak niya ng panghahalay.

Isinaad ng biktima na hindi lang siya ang pinagsamantalahan kundi ang anim pa niyang mga kapatid.

Labing-walong taong gulang na pinakamatanda sa kanila samantalang limang taong gulang ang pinakabata.

"According sa kuwento ng mga bata, na-rape. Pati 'yung mga anak na lalaki, pinapagawa ng malalaswa. 'Yung mga malalaki na niyang anak, hindi na makatiis sa kababuyan na ginagawa ng kanilang ama," ayon kay Police Major Ardioleto Cabagnot, Deputy Chief, Talisay City Police Station.

Sa kulungan, todo-tanggi sa paratang ang ama.

Ayon sa kaniya, posible nagalit lamang ang anak dahil kinumpiska niya ang cellphone nito nang minsan itong inumaga ng uwi.

"Istorya-istorya lang 'yan ng anak ko kasi galit siya sa'kin," saad ng suspek.

Nakatakdang sampahan ang suspek ng incestuous rape at acts of lasciviousness. —Jamil Santos/LBG, GMA News