Umabot sa 57-katao ang dinampot sa simultaneous operation ng mga awtoridad sa Pasay City.
Ayon sa ulat ni Vonne Aquino sa Balitanghali nitong Sabado, kabilang dito ang apat na naaktuhan umanong gumagamit ng shabu sa loob ng Pasay City Public Cemetery.
Ang isa sa kanila, menor de edad.
"Nahuli 'yung apat na gumagamit doon sa Pasay Public Cemetery at 'yung apat is naaktuhan, pero doon pa rin based sa tawag ng concerned citizen natin," paliwanag ni Police Lieutenant Colonel Deandry Francisco, ang Assistant Chief of Police for Administration ng Pasay City.
Inamin ng mga suspek na puwesyuhan iyon ng mga gumagamit ng droga. "Natutulog po ako kasi may sakit nga po ako eh. Itong mga nagsipuntahan at doon sila puwesto," sabi ng isang naaresto. "Paggamit na nila humits ako ng isa, pag-hits ko ng isa, biglang may pulis na agad pumunta. Huli agad," giit ng isa pa.
Na-turn over na sa Department of Social Welfare and Development ang menor de edad.
Sa kulungan naman ang bagsak ng tatlong suspek na kasama sa mga naaresto dahil sa reklamong paglabag sa Comprehensive Dangerous Drugs Act.
Sa simultaneuos operation ng Pasay Police nitong Biyernes, arestado rin ang tatlong may warrant of arrest, tatlong sangkot umano sa illegal gambling, at isang suspek sa illegal possession of a bladed weapon.
Ang 40 na iba, hinuli daw dahil sa paglabag sa mga ordinansa tulad ng pag-inom ng alak sa pampublikong lugar, mga walang damit na pang-itaas, at illegal barker. —Margaret Claire Layug/LBG, GMA News
