Nailibing na ang 21-anyos na estudyanteng babae sa Batangas na ginahasa at natagpuang patay , ayon sa ulat nitong Huwebes ni Darlene Cay sa Unang Balita ng GMA News

Natagpuang patay si Fidex Therese Maranan noong ika-17 ng Mayo na may mga sugat sa ulo at saksak sa dibdib, sa loob ng kanyang kuwarto sa kanilang bahay sa Lipa City.

Hinihinalang ginahasa muna si Maranan bago siya pinatay.

Naaresto ang suspek na si Jorge Benedicto na guwardiya sa subdivision na tinitirhan ni Maranan.

Ayon sa mga katrabaho ni Benedicto, isang araw matapos ang insidente, hindi na raw pumasok ang suspek.

Natunton at inaresto si Benedicto sa Victoria, Oriental Mindoro. Nakakulong na ang suspek sa Lipa City Police Station.

"Ang nagkasala sa aking pamangkin ay 'yung iniisip niyang mga kapatid. Isang dalaga na binabati sila na parang kapatid, tapos gagawan mo ng ganoon,” sabi ng tiyuhin ng biktima na si Monsignor Ruben Dimaculangan.

Walang pahayag si Benedicto na nahaharap sa reklamong rape at homicide. —Joviland Rita/LBG, GMA News