Hubo't hubad, nakasubsob sa lupa, at may nakapulupot na bra at tela sa leeg nang makita ang bangkay ng isang babae sa Cavinti, Laguna nitong Miyerkules.
Sa ulat ng GMA News TV "Quick Response Team" nitong Huwebes, sinabing mismong ang anak ng biktima ang nakakita sa bangkay ng kaniyang ina na ilang metro lang mula sa kanilang bahay sa Barangay Cansuso sa Cavinti.
Kuwento ng anak, may masangsang na amoy siyang nalanghap at nang sundan niya kung saan ito nanggagaling ay nakita niya ang bangkay ng kaniyang ina.
Ayon sa mga kaanak, may problema sa pag-iisip ang biktima at naging pagala-gala sa kanilang lugar.
Isasailalim sa awtopsiya ang bangkay ng biktima para alamin ang dahilan ng pagkamatay nito, at kung ginahasa pa.
May nakita rin umanong matigas na bagay sa kaniyang maselang bahagi ng ginang.
Tatanungin naman ng mga awtoridad ang mga trabahador sa isang malapit na minahan sa lugar.
Ang pagkakadiskubre sa bangkay ng babae ay nangyari kasunod ng pagkakadiskubre naman sa bangkay ng isang lalaki na nakalagay sa isang plastic storage box sa bakanteng lote sa Biñan sa Laguna rin.
Kinilala na ang bangkay ng biktima na si Carl Laurence Demerey, na huling nakitang buhay noong Lunes sa isang bar.
Sa kuha ng CCTV, makikita ang biktima na may kasamang dalawang lalaki.
Itinuturing nang person of interest ng mga awtoridad ang dalawang lalaki na pinaghahanap na. -- FRJ, GMA News
