Patay ang isang 28-anyos na lalaki sa Lingayen, Pangasinan matapos siyang barilin ng lalaking nakamotorsiklo na sinaway niya dahil sa pagiging maingay umano ng tambutso.


Sa ulat ng GMA News TV "Quick Response Team" nitong Miyerkules, kinilala ang biktima na si Joven Garbo ng Barangay Malawa sa Lingayen.

Base sa imbestigasyon ng pulisya, lumitaw na sinita ni Garbo ang mga salarin na nakasakay sa motorsiklo nang huminto sa tapat ng kaniyang kubo dahil sa pagiging maingay ng tambutso.

Sandali umanong umalis ang mga salarin at nang bumalik ay pinagbabaril na ang biktima. Isa pang kaanak ng biktima ang nasugatan.

Kaagad na tumakas ang mga salarin na kinilalang sina Jay-R Ulanday at Rey Austria, pero nahuli rin sila sa follow-up operation sa bayan ng Binmaley.

Iginiit naman ng mga suspek na wala silang kinalaman sa naturang krimen.--FRJ, GMA News