Patay ang isang lalaki sa Negros Oriental nang pagtulungan siya ng isang mag-ina dahil daw sa pang-aagaw niya ng mic sa videoke, ayon sa ulat ni Cecille Villarosa sa Unang Balita ng GMA News nitong Lunes.

Nakuhaan sa video ang pagtatalo sa isang palengke sa Siaton, Negros Oriental.

Nauwi sa suntukan ang pagtatalo ng isang lalaking naka-sando at isa pang naka-T-shirt.

Bitbit ang kanyang itak, nakisali at sumugod ang isang babae na napag-alamang ina pala ng lalaking naka-T-shirt.

Tinaga ng ginang ang nakasandong lalaki, pero nagmintis.

Sinubukang sipain ng naka-sando ang babaeng may itak habang sinusuntok naman siya ng anak nito, hanggang sa tamaan na siya ng itak ng ginang.

Duguan na ang lalaking naka-sando, nanghihina at pasuray-suray sa daan. Ilang saglit pa, humandusay na sa kalsada ang biktima.

Pero hindi pa nakonteto rito ang babae dahil sumugod ulit siya at inundayan na naman ang biktima ng saksak.

Kinilala ang naka-sandong si Jesus Gainsan, 37-anyos, habang ang mag-ina naman  ay kinilalang sina Rosita at Roger Nemaria.

Naisugod pa sa ospital si Gainsan, pero binawian din agad ng buhay.

Ayon sa mga pulis, kumakanta raw sa videoke  ang mag-inang Rosita at Roger nang bigla umanong agawin ni Gainsan ang mic kay Rosita na naging ugat ng tensyon.

Matapos ang insidente, agad din namang nahuli ang mag-ina na nahaharap sa kasong pagpatay. —Joviland Rita/KG, GMA News