Isang pulis na nagpapahinga lang matapos rumesponde sa isang kaguluhan ang nasawi matapos na aksidente umanong mabaril ang sarili sa Roxas City, Capiz.

Sa ulat ng GMA News TV "Quick Response Team" nitong Martes, kinilala ang biktima na si Police Senior Master Sergeant Edgar Durias.

Ayon sa pulisya, nakita na lang nakahandusay at duguan si Durias matapos na madinig ang isang putok ng baril sa kanilang police station noong Linggo ng gabi.

Nagpapahinga umano ang biktima dahil kagagaling lang nito sa nirespondehang gulo nang mangyari ang insidente. Posible umanong aksidenteng naiputok ni Durias ang baril at tinamaan siya sa ulo.

Isinugod siya sa ospital pero hindi na umabot nang buhay.

Patuloy na iimbestigahan ng mga pulis ang nangyari at susuriin ang labi ng biktima.--FRJ, GMA News