Dalawang dayuhan na pinaniniwalaang lasing na sakay ng kotse ang gumawa ng eksena sa isang lugar sa Lapu-lapu City, Cebu.

Sa ulat ng GMA News TV "Quick Response Team" nitong Miyerkules, makikita sa video ang dalawang dayuhan na muntikang makabangga dahil sa pagdaan sa one-way na daan at biglang pag-U-turn.

Nang tumigil ang kotse, bumaba ang dalawang sakay nito na nakahubad at shorts lang ang isa.

Nanigaw pa umano ang dalawa sa mga tao na nasa labas ng isang establisimyento na dahilan para mangamba ang ilan.

Kaagad naman daw itinaboy ng mga guwardiya ang dalawa.

Nang paalis na ang mga dayuhan, muntik pa silang makabunggo ng motorsiklo.

Ayon sa mga awtoridad, maaring ireklamo alarm and scandal o public endangerment ang dalawang dayuhan.--FRJ, GMA News