Naputulan ng apat na daliri ang isang 11-anyos na lalaki matapos sumabog sa kaniyang kamay ang napulot na paputok sa Lingayen, Pangasinan. Batay sa tala ng Department of Health–Ilocos Region, sa 170 firecracker-related injuries sa buong rehiyon mula December 21 hanggang January 1, karamihan sa mga biktima ay mga bata na edad 10 hanggang 14.

Sa ulat ni Sendee Salvacio sa GMA Regional TV  One North Central Luzon nitong Biyernes, sinabing dinala sa Region 1 Medical Center (R1MC) sa Dagupan City ang batang biktima kung saan pinutol ang apat na daliri sa kanan kamay niya.

Ayon sa ina ng bata, nagpaalam ang kaniyang anak na lalabas lang kasama ang mga kaibigan nang mangyari ang hindi nila inaasahan.

“Nagulat po ako, talagang umakyat lahat ng dugo na halos matumba ako kasi noong binalita nila yung nangyari,” saad ng ina.

Ayon sa R1MC, umabot sa 45 biktima ng paputok ang kanilang ginamot ngayon, mas mataas kumpara sa 29 na kaso na naitala sa kaparehong panahon noong nakaraang taon.

“From 29 kahapon, 45 na ngayon, so may increase of 16 patients,” ayon kay Dr. Maria Camila Rosario, head ng Emergency and Disaster Management Unit of R1MC.

“Yung mga pasyente na pumupunta dito sa hospital usually January 1 to 3. Hopefully wala na sanang dumating,” dagdag niya.

Batay sa tala ng mga pagamutan sa Pangasinan, sa mga nabiktima ng paputok, 16 ang active firecracker users, at 29 ang passive victims o hindi talaga dapat magpapaputok.

Kaya naman pinayuhan ni Rosario ang mga magulang na bantayan at mga anak at sabihan na huwag mamulot ng paputok na hindi sumabog.

“So kawawa itong mga batang ito. Sana sabihan yung mga anak nila na ‘wag pulutin yung mga paputok na hindi pumutok para at least hindi sila madalo,” payo niya.

Ang Department of Health–Ilocos Region, nakapagtala ng 170 firecracker-related injuries sa buong rehiyon mula December 21 hanggang January 1. Karamihan sa mga biktima ay mga bata nae dad 10 hanggang 14. – FRJ GMA Integrated News