Tukoy na ng mga awtoridad kung sino ang babae driver na nag-viral sa social media matapos siyang magpakita ng baril habang nasa sasakyan at naiipit sa trapik sa Cagayan de Oro City.
Sa ulat ni James Paulo Yap ng GMA Regional TV sa GMA News 24 Oras nitong Biyernes, sinabing nangyari ang insidente noong December 29 sa panulukan ng 8th Street at Hayes Street, habang sakay ng pickup truck ang babae.
Inaalam pa ng mga awtoridad sa Regional Civil Security kung totoo o hindi ang baril.
“Usually daw, pinapakita niya [ang baril]. Nagdadala siya ng toy gun para panakot sa beggar dahil nabiktima na raw siya,” ayon kay Police Captain Emilite Simon, spokesperson ng Cagayan de Oro City Police Office
“Ipinaabot na natin ang mga resulta nito. Ang naturang sasakyan, naka-alarm na. Nabigyan na rin ang owner nito ng suspension order na 90 days,” dagdag ng opisyal.
Naglabas na ang Land Transportation Office (LTO) Northern Mindanao ng show cause order (SCO) laban sa driver at nakarehistrong pangalan sa sasakyan.
Dahil sa insidente, maaaring masuspinde o tuluyang alisan ng lisensiya ang driver.
“Hindi ka dapat maglabas ng baril. Anong gusto mong ipakita, manakot ka? May pagka-road rage… Kapag road rage usually, revocation agad ang penalty niyan eh,” ayon kay LTO Region X Director Nelson Manaloto. – FRJ GMA Integrated News
