Isang batang babae sa Davao City na magdiriwang sana ng kaniyang ikapitong kaarawan sa Enero 10, 2026, ang nasawi matapos malunod sa sapa sa unang araw ng 2026 sa Barangay Tamugan.
Sa ulat ni Rgil Relator sa GMA Regional TV One Mindanao nitong Biyernes, makikita pa sa amateur video na kuha ng kamag-anak na masayang naliligo ang bata sa tubig.
Pero pagkaraan ng ilang minuto, nawala na umano ang biktima hanggang sa mahanap siya na wala nang malay sa tubig.
Ayon sa ina ng bata, hiniling ng kaniyang anak na sumama sa mga kamag-anak na maligo sa sapa. Iniulat na iyon ang unang beses na maliligo ang biktima sa naturang lugar.
Pauwi na umano ang grupo nang mapansin na wala ang biktima. Hindi rin umano masyadong matagal ang ginagawang paghahanap sa bata na nakitang nakalubog sa tubig.
Iniuwi pa ang bata sa kanilang bahay sa Barangay Megkawayan at mayroon pa umanong nararamdaman na pintig sa puso nito. Muli nilang sinubukang i-revive ang biktima at saka dinala sa ospital pero hindi na talaga nailigtas ang kaniyang buhay. – FRJ GMA Integrated News

