Masama ang loob ni Lola Catalina sa sinapit ng apong si Mark Anthony Miranda.

Ayon sa ulat sa Balitanghali ngayong Biyernes, nakaburol na sa kanilang bahay sa Calamba, Laguna ang kinse-anyos at grade 7 na biktimang napatay kahapon sa pamamaril.

Sa loob mismo ng pinapasukang paaralan ni Mark Anthony nangyari ang krimen.

Ang suspek, si Renan Estrope Valderrama, isang security guard sa bayan ng Los Baños.

Hindi na-huli cam ang aktuwal na pamamaril pero nakunan ang suspek papasok sa silid kung nasaan ang biktima.

Base sa inisyal na imbestigasyon ng pulisya, magkakilala ang biktima at ng suspek. Sinisilip din daw ng mga pulis ang background ng suspek, dahil may mga ulat na may hinaharap itong criminal charges.

Pero wala naman daw nabanggit tungkol diyan ang pamilya ni Mark Anthony.

Ang naikwento raw kay Lolo Mar, may kaibigan ang biktimang nagpapaaral sa kanya.

"Sabi ko mag-ingat siya kasi 'di natin alam 'yung motibo ng mga bakla kung ano. Baka mamaya kung anong gawin sa kanya... sabi niya opo," ani Lolo Mar.

Ang kwento naman ng kaibigan ni Mark, Marso raw sila nagkakilala ni Valderrama sa pamamagitan ng common friends.

Pero sumbong daw ng biktima, nakatanggap daw ito ng pang-aabuso, panghahalay at pagpapainom. Pumunta na raw sila sa Los Baños PNP upang magsumbong.

Nakatanggap daw sila ng mga pagbabanta nang umalis si Mark sa tinutuluyan ng suspek.

Wala pang ibinigay na pahayag kaugnay sa insidente ang pamunuan ng eskuwelahan.

Pinaghahanap pa rin ng mga awtoridad ang suspek. —JST, GMA News