Nilooban ang isang dental clinic sa San Jose del Monte, Bulacan, kung saan nakuhaan pa ng ilang CCTV sa lugar ang mga suspek, ayon sa ulat ni Marisol Abdurahman sa Unang Balita nitong Martes.
Makikita sa kuha ng CCTV sa labas ng dental clinic sa Barangay Graceville ang nakapuwestong mga lalaki nitong Lunes ng madaling araw. Umupo pa sa harap ng clinic ang isa sa kanila. Maya-maya, pumasok na ang mga suspek sa loob ng dental clinic.
Base sa CCTV, makikita ang dalawa na naghahalughog gamit ang flashlight. Ilang minuto pa, lumabas na rin ang mga suspek.
Sa isang kuha pa ng CCTV ng isang water refilling station, makikitang palakad-lakad ang dalawang suspek na parang walang nagyari.
Bumili pa ang mga ito ng sigarilyo, base sa kuha ng CCTV sa isang bakery naman. Nahagip din ang lagayan ng relo na naglalaman ng mga barya na ninakaw daw ng mga suspek.
Bukod dito, kinuha rin daw ng mga suspek ang isang mamahaling cellphone at mahahalagang gamit.
Ayon sa may-ari ng clinic na si Dr. Elaine Velasquez, hindi pa raw nila matiyak kung anu-ano ang mga nawala sa clinic, pero pinagtatakhan nila na hindi kinuha ng mga suspek ang mga ilang mamahaling gamit sa loob.
Lumalabas sa imbestigasyon ng mga pulis na hindi gumamit ng puwersa ang mga suspek sa panloloob sa clinic, ayon sa hepe ng San Jose del Monte Police na si Colonel Orlando Castil.
“Hindi maiko- consider na forced entry kasi pati yung padlock kahit sabihin pa natin na ‘di maibalik, buo pa din yun eh. Hindi man lang naputol,” sabi ni castil.
Umamin ang isang staff ng clinic na hindi niya kinandado ang sliding door pero nakatitiyak daw sya na naka-padlock naman ang roll up.
“Kasi po kampante rin po ako na di po mao-open kasi dalawa po ang lock. Tsaka minsan di ko na po nila-lock yan dahil minsan nahihirapan po ako,” sabi ng staff ng clinic na si Weyshel Yeoung.
Pinatotohanan naman ito ni Velasquez.
Magsasagawa pa ng malalimang imbestigasyon ang pulisya dahil hindi raw karaniwan ang naging kilos ng mga suspek pagkatapos magnakaw na naglakad pa sa lugra sa halip na tumakas agad.
Tinitignan ang anggulong inside job sa insidente.
“Medyo unusual yung mga pangyayari. May kasamahan dun sa loob, may nagbibigay ng tip sa kanila,” ani Castil.
Inaalam na ang pagkakakilanlan ng dalawang suspek na nakuhaan ng CCTV. —Joviland Rita/KBK, GMA News
