Patay ang isang lalaki matapos siyang pagbabarilin sa loob ng kaniyang bahay sa Dumaguete, Negros Oriental. Ang biktima, nagmakaawa pa raw sa mga salarin pero tinuluyan pa rin.


Sa ulat ng GMA News "Unang Balita" nitong Huwebes, sinabi ng imbestigasyon, nanonood ng telebisyon ang biktimang si Ingwi Fabugais nang biglang pumasok ang dalawang salarin na nakatakip ang mukha at pinagbabaril siya.

Nagawa pa raw ng biktima na magmakaawa sa mga salarin pero pinagbabaril pa rin ito sa ulo at katawan.

Nakaligtas naman ang ina ng biktima, mga kapatid at live-in partner na nasa bahay din nang mangyari ang krimen.

Kaagad na tumakas ang mga salarin sakay ng motorsiklo.

Inaalam pa kung sino ang nasa likod ng krimen at ang motibo nito. --FRJ, GMA News