Chinop-chop ng sarili niyang anak ang isang senior citizen sa Zamboanga City, ayon sa ulat ng Unang Balita nitong Biyernes.
Base sa imbestigasyon, madalas na umanong sinasaktan ng suspek na si Dondie al Sharif Nur ang ina na si Alona Villareal tuwing wala siyang naabutang pagkain sa bahay.
Napipilitan tuloy manlimos ang ina sa mga kapitbahay.
Pero nitong mga nakaraang araw ay hindi na lumalabas si Alona hanggang sa nakita ng mga kapitbahay si Nur na nagtapon ng malaking bag sa damuhan.
Nang tingnan ng mga kapitbahay ang laman ng bag, tumambad ang putol-putol na katawan ni Alona.
Nang puntahan ng pulisya, nagkulong sa bahay ang suspek hawak ang patalim. Pero nang gumagabi na, minabuti ng mga pulis na pasukin ang bahay. Nanlaban umano ang suspek kaya napatay ng mga pulis.
Lulong umano sa droga at may problema sa pag-iisip ang suspek na kamakailan lang ay natanggal sa trabaho bilang guwardya. —KBK, GMA News
