Bumagsak na sa kamay ng otoridad ang suspek sa pagdukot at pagpatay sa 5-anyos na batang babae sa San Jose del Monte, Bulacan, ayon sa ulat ni Bam Alegre sa Unang Balita nitong Martes.

Nadakip ang 24-anyos na suspek na si Eman Lambuhon nitong Lunes nang gabi ng tangkain niyang makipagkita sa isang kaibigan.

Si Lambuhon ang itinuturong dumukot at pumatay sa biktimang si Princess Angela Langomez nitong Linggo nang madaling araw. Kapitbahay si Lambuhon ng pamilya ng biktima.

Ilang saksi raw ang nakakita kay Lambuhon nang kunin niya ang bata mula sa bahay nito. Bandang 3 a.m. na nang malaman ng mga kaanak ng biktima na wala siya sa kanyang higaan.

Pinalo raw ng suspek ang bata sa ulo sa isang eskinita malapit sa kanilang bahay sa Del Monte Heights.

Ayon sa nanay ng biktima, posibleng rape ang balak ng suspek pero nataranta ito kaya pinalo na lang sa ulo ang bata. Napag-alaman din na nauna na palang tinangka ng suspek na pumasok sa bahay ng biktima.

Nakatakdang magsagawa ng autopsy ang pulisya para malaman kung pinagsamantalahan ni Lambuhon ang biktima. —KBK, GMA News