Ninakawan ng kita at pinagsasaksak ng lalaking nagpanggap na customer ang isang may-ari ng Ukay-Ukay sa Baguio City.

Nangyari ang insidente sa Magsaysay Avenue ng lungsod, ayon sa Ulat ng Unang Balita.

Sa kuha ng CCTV, makikita ang isang lalaking nagpanggap umanong customer.

Kunwari'y pumipili siya ng sapatos habang binebentahan naman ng may-ari.

Biglang bumunot ng patalim ang suspek at tinutukan ang biktima.

Hindi na nahagip pa ng CCTV ang sumunod na pangyayari, pero inundayan ng tatlong saksak ang may-ari ng salarin.

Sumibat ang lalaki dala ang kita ng Ukay-Ukay store.

Nagpapagaling na ngayon ang biktima sa pagamutan, habang tinutugis ng mga pulis ang suspek. —LBG, GMA News