Nasa 20 estudyante ang biglang nagwala at nangisay sa isang eskuwelahan sa Lambayong, Sultan Kudarat, ayon sa ulat ng Unang Balita nitong Miyerkoles.
Kuwento ng pamunuan ng Mamali National High School, sinapian umano ng mga engkanto ang mga estudyante. Nagsimula raw ito noong pinutol nila ang puno ng mangga sa school grounds.
Ilang beses na raw silang nagpatawag ng mga "religious people" noong isang linggo para matigil ang mga umano'y pagsapi, pero nangyari na naman umano ang pagsapi nitong Lunes.
Panawagan ng barangay at ng pamunuan ng paaralan, sana'y may makatulong sa kanila dahil baka raw kasi wala nang pumasok na estudyante sa paaralan.
Ayon naman sa ilang eksperto, karaniwan ay mass hysteria ang mga ganitong insidente.
Isa itong kundisyon kung saan sabay-sabay nagwawala ang mga tao dulot ng problema o stress. —KBK, GMA News
