Patay na ang itinuturong salarin sa pamamaslang sa isang maglola sa Tacurong City. Ang suspek, pinagpapalo umano ng kahoy at hollow blocks ng hindi bababa sa 20 magkakapitbahay.

Sa ulat ng GMA News TV "Quick Response Team" nitong Huwebes, isinalaysay ng tiyuhin ng napatay na suspek na si Ernesto Escolano Jr., alyas J.R., na nakita niya na nililinis ng nito ang lugar kung saan nakita ang bangkay ng maglola.

Tinangka raw niyang pakiusapan si Escolano na sumuko pero umakma raw itong manlalaban at mananaksak.

Kaagad naman daw sumaklolo ang kanilang mga kapitbahay at kinuyog si Escolano.

Tumigil lang daw ang pagkuyog at nag-alisan ang mga magkakapitbahay nang dumating na ang mga pulis.

Sa kabila ng nangyari, wala raw plano ang mga kaanak ni Escolano na magsampa ng reklamo.

WATCH: Mag-lola, natagpuang patay sa damuhan sa Tacurong

Inilibing na si Escolano, habang nakaburol hanggang ngayon ang maglola na edad 63 at siyam na nagtamo ng mga saksak sa iba't ibang bahagi ng katawan.-- Jamil Santos/FRJ, GMA News