Nasabat ng mga awtoridad ang halos aabot sa P9 milyong halaga ng hinihinalang shabu mula sa tatlong drug suspects sa Imus City sa Cavite.

Sa ulat ng Balitanghali Weekend, sinabing nasamsam ang kontrabando sa operasyon ng mga tauhan ng Philippine Drug Enforcement Agency (PDEA) sa CALABARZON at Cavite provincial police intelligence branch sa Barangay Buhay noong Biyernes.

Naaresto ang mga suspek na kinilalang sina Kuel Borero at Johaira Abdul, pati ang babaeng kapatid ni Borero na si Mila Omar.

Bukod sa mahigit isang kilo ng hinihinalang shabu, nakuha rin sa kanila ang ilang drug paraphernalia at isang sasakyan.

Pahayag ni Kuel, ibinabagsak lamang sa kanila ng hindi niya pinangalanang source ang mga ibinebenta nilang shabu. —LBG, GMA News