Nagtamo ng minor injuries ang driver at ang pasahero ng isang SUV matapos itong tumaob sa ginagawang bahagi ng Quirino Highway sa Barangay San Francisco, Tagkawayan, Quezon nitong Sabado.
Nangyari ang aksidente pasado 5 a.m.
Ayon sa report ng Tagkawayan Municipal Police Station, galing Maynila ang SUV at patungo sana sa Bicol.
Dadalo raw sa isang kasalan ang mga sakay nito.
Dumulas raw ang isang gulong ng SUV at nahulog ito sa sesementohing linya ng highway hanggang sa tumaob na ito.
Basag ang windshield at bintana ng SUV.
Umuulan nang mangyari ang aksidente.
Hindi na nagpadala ng sa pagamutan ang driver at ang pasahero ng SUV.
Sa mga oras na ito ay hindi pa nakukuha sa lugar ng aksidente ang SUV. —KG, GMA News
