PAGBILAO, Quezon - Hindi pa nakikilala nitong Linggo ang tatlong-taong gulang na batang lalaki na namatay agad sa bangaan ng isang bus at delivery van nitong Sabado ng hapon sa Pagbilao, Quezon.

Wala pang kumukuha sa nasabing bangkay at hindi pa matukoy kung nasawi rin ba ang kasama ng bata o kritikal ito sa pagamutan.

Apat sa limang pasahero na agad na nasawi sa aksidente ay nakilala na ng kanilang mga kaanak.

Ang mga biktima ay nakilalang sina Pacita Gabriente, 61; Editha Antigo, 69; Arturo Espiel, 60; at Maria Analoyd Seyosa.

 

 

Nangyari ang aksidente nang magkasalpukan ang isang bus ng CUL Transport at isang delivery van dakong 5 p.m. ng Sabado sa New Diversion Road, Barangay Silangang Malicboy, Pagbilao, Quezon.

Limang tao ang patay habang 33 iba pa ang sugatan.

Sampu sa mga sugatan ang isinugod sa Quezon Medical Center sa Lucena City, at tatlo sa kanila ay mga babae na naging kritikal ang kondisyon. Ang isa sa kanila ay nasa intensive care unit pa nitong Linggo, habang ang dalawa ay nasa surgery ward at wala pa ring malay. May isa pang babae na naiwan sa Quezon Medical Center nitong Linggo.

Ang iba namang sugatan ay nagpumilit na lumabas na sa pagamutan nitong Linggo ng madaling araw.

Ang 23 na pasahero naman na nagtamo ng minor injuries ay dinala muna sa Barangay Hall ng Silangang Malicboy. Hindi na sila nagpadala sa pagamutan. Tumuloy na ang iba patungong Leyte at ang iba ay patungong Maynila nitong Linggo, sakay ng ibang CUL Transport bus. 

Galing Maynila ang CUL Transport Bus at patungo sana sa Maasin, Leyte nitong Sabado nang salubungin ito ng isang delivery van.

Ayon sa driver ng bus na si Reynaldo Sampilo, hindi na niya nagawang umiwas dahil mabilis ang takbo ng kasalubong na delivery van sa pakurbang bahagi ng highway. Inagaw daw ng delivery van ang linya ng bus at tinamaan ang kaliwang bahagi nito.

Matapos mabangga ng delivery van ang bus ay sumalpok ito sa barrier ng highway. Wasak na wasak ang unahan ng truck. Sugatan din ang driver at ang pahinante nito.

Karamihan sa mga nasawi ay nakaupo sa kaliwang bahagi ng bus na nasa window seat. Ang mga biktima ay nagtamo ng matinding pinsala sa ulo dahilan ng kanilang agad na pagkamatay.

Nagtulong-tulong ang mga awtoridad kabilang ang grupo ni Barangay Kagawad Jovito Sotalbo, mga rescuer ng Pagbilao Disaster Risk Reduction and Management Office, Quezon Provincial Disaster Risk Reduction and Management Office, Atimonan Disaster Risk Reduction and Management Office, at iba pang mga rescuer para mailabas sa bus ang mga pasahero nito.

Ayon kay Sotalbo, madalas daw ang aksidente sa kanilang lugar dahil sa mga pakurbang daan at sa mga hindi pa tapos na road widening project.

Kuwento ng isa sa mga pasaherong nakaligtas, tulog daw siya nang mangyari ang aksidente. Nagkahiwalay daw sila ng kanyang kasama.

Karamihan sa mga pasahero ay uuwi sa Leyte upang ipagdiwang ang Pasko.

Ayon sa driver ng delivery van na si Xander Soliveres, aksidente raw ang nangyari.
Hindi raw niya ito sinasadya. Nawalan daw siya ng preno kung kaya’t sumalpok siya sa bus.

Nalulungkot daw siya sa nangyari. Mensahe niya sa mga naulila at mga sugatan, hindi raw niya ito sinasadya. Aksidente lang daw ito at walang may gusto sa nangyari.

Ayon sa hepe ng Pagbilao Municipal Police Station na si Police Major Mederic Villarete, nawalan nga ng kontrol sa manibela ang driver ng delivery van sa pababang bahagi ng highway. 

Hindi na rin daw kumapit ang preno nito kung kaya't nasapul ang CUL Transport bus.

Dumating na ang mga kinatawan ng CUL Transport nitong Linggo at sinabing sasagutin nila ang gastos ng mga nasawi at mga nasugatan.

Nahaharap sa kasong reckless imprudence resulting to multiple homicide, multiple physical injuries and damage to property ang driver ng delivery van.

Nasa kustodiya na ng Pagbilao Municipal Police Station ang driver. —KG, GMA News