Nalunod ang tatlong bata sa isang resort sa Marilao, Bulacan nang maiwang naliligo sa swimming pool.
Sa ulat ng 24-Oras nitong Linggo, sinabing sinubukan pang dalhin sa ospital ang magpipinsang Aileen at Princess Lyka Lucañas (parehong anim na taong gulang) at Akihiro, apat na taong gulang, pero binawian din sila ng buhay.
Base sa imbestigasyon ng mga pulis, kasama ng mga bata si Ederlyn Lucañas, ina ng dalawang bata, pero iniwan niya ang mga bata sa pool area.
Pahayag ni Police Master Seargent Ariel Gacutan, "Ang sabi ng nanay sa amin, sinamahan niya yung mga bata roon sa pool, kaya lang umalis siya na walang ibang nagbantay kasi kumuha lang daw siya ng cell phone doon sa room nila. Pagbalik daw ng ina, nakita nang palutang-lutang sa pool ang tatlong bata.”
Bukod sa pagkalunod ng tatlong bata, iniimbestigahan din si Lucañas matapos makitaan ng drug paraphernalia ang kanilang kuwarto.
Pero, pahayag umano ni Lucañas, sa live-in partner niyang si Joel Mañulit na kasama rin nila noong nag-check in ang mga nakuha ng pulis.
Tumakas daw si mañulit at pinaghahanap na ngayon ng pulisya.
Tumanggi namang magbigay ng pahayag ang pamunuan ng resort kaugnay sa insidente. —LBG, GMA News
