Isang Indian national na suspek sa kidnaping ang nasawi matapos harangin ng mga salarin ang sinasakyan niyang mobile ng Bureau of Jail Management and Penology para ilipat ng kulungan sa Calamba, Laguna. Ang mga tauhan ng BJMP, ligtas.
Sa ulat ng GMA News TV "Quick Response Team" nitong Lunes, kinilala ang biktima na si Joshi Tarun, na naaresto noong 2015 dahil sa kasong pagdukot sa kapwa niya Indian national.
Sa imbestigasyon ng pulisya, sinabi ng isa sa mga jail guard lumitaw na ililipat sana ng BJMP ng piitan sa Los Baños ang biktima nang harangin ng mga salarin na sakay ng SUV ang kanilang mobile at tinutukan ng baril ang mga tauhan ng BJMP.
Dinisarmahan umano ng ang mga tauhan ng BJMP at dinala sa masukal na lugar habang naiwan sa mobile ang biktima.
Piniringan din umano, tinalian ang mga kamay ng mga tauhan ng BJMP at pinadapa. Hindi nagtagal, umalingawngaw na ang sunod-sunod na putok ng baril.
Nakita ang duguang bangkay ng biktima sa loob ng mobile habang tumakas ang mga salarin dala ang service firearms at cellphone ng mga taga-BJMP.
Isang residente ang nakakita sa mga nakadapang kawani at ipinagbigay-alam sa mga awtoridad ang insidente.
Patuloy ang isinasagawang imbestigasyon ng pulisya sa insidente.--FRJ, GMA News
