CANDELARIA, Quezon - Nadagdagan pa ng isa ang mga nasawi sa bayan ng Candelaria, Quezon dahil sa pag-inom ng lambanog.
Namatay nitong alas-sais ng umaga ng Miyerkoles, Araw ng Pasko, si Fernando Aguilar, 54-anyos, taga-Barangay Sta. Catalina.
Limang araw na namalagi sa ICU ng United Candelaria Doctors Hospital si Mang Fernando.
Si Mang Fernando ay isa mga nag-inuman noong Dec. 19 sa Aguilar Compound.
Una nang binawian ng buhay ang kapatid niya na si Ernesto at ang anak niyang si Christian.
Nitong Lunes ay isang Marvin Macatangay, 28-anyos, ang namatay din dahil sa lambanog.
Ayon sa inisyal na imbestigasyon ng Candelaria Municipal Police Station, nabili ng mga biktima ang nasabing lambanog sa isang tindahan sa Quezon na siya ring manufacturer nito.
Napag-alaman daw nila na wala pala itong kaukulang permit mula sa Food and Drug Administration.
Nanawagan din ang FDA sa mga tindahan na huwag nang magbenta ng lambanog na walang FDA registration.
Samantala, isinailalim na sa state of emergency ang bayan ng Rizal sa Laguna dahil sa mga kaso ng lambanog poisoning. —KG, GMA News
