Dalawa ang sugatan sa tama ng bala ng baril sa nangyaring kaguluhan sa Barangay Poblacion sa Malasiqui, Pangasinan. Nag-ugat umano ang insidente sa pagpasok sa loob ng gate ng isa sa mga nasugatan at may bitbit na LPG tank na inihagis niya sa lalaking may-ari ng bahay.

Sa ulat ni Jewel Fernandez sa GMA Regional TV One North Central Luzon nitong Lunes, makikita sa CCTV footage ang isang lalaki na pumasok sa bakuran habang may hawak ng LPG tank noong Enero 3. Napatakbo pa sa takot ang isang bata.

Ibinato ng lalaki ang tangke sa may-ari ng bahay.

Kasunod nito, tumakbo ang may-ari ng bahay palabas ng gate at sinundan siya ng lalaki. Hindi na kita sa CCTV camera pero bumunot umano ng baril ang may-ari ng bahay at nagpaputok ng warning shot pero tinamaan ang lalaki at isang pang sibilyan na menor de edad.

Dinala ang dalawa sa ospital at nagpapagaling na. Wala pa silang pahayag sa nangyari.

Ayon kay Malasiqui Police Station officer-in-charge Police Lt.Col. Francisco Sawadan, Jr., ipinaliwanag umano ng may-ari ng bahay na nagpambuno sila ng lalaking pumasok sa kaniyang bakuran.

“Iyong intruder nagkabunuan sila, tinumba noong mas malakas. Natumba itong may sakit sa puso, nakuha niya iyong baril niya. Nag-warning shot siya. Iyon ang version niya,” ani Sawadan.

Nakuha ng pulisya sa may-ari ng bahay ang isang caliber .22 na baril, isang magazine, at tatlong basyo ng bala.

Lumitaw din sa imbestigasyon ng pulisya na magkakilala at magkapitbahay ang lalaki at ang may-ari ng bahay.

Bagaman nagkaroon na umano ng pagkakasundo ang mga sangkot sa insidente, ayon sa isang kamag-anak ng lalaking nasugatan, mahaharap pa rin sa kaso ang may-ari ng bahay dahil walang lisensiya ang baril nito.

“Itong nag-warning shot, meron siyang kaso doon sa 10591. Unlicensed owner of firearms, unregistered firearms niya, may natamaan resulting in physical injuries,” ani Sawadan. – FRJ GMA Integrated News