Nagpalipas ng gabi sa kalsada ang mga residenteng nasunugan sa Barangay Damayang Lagi sa Quezon City, matapos tupukin ng apoy na sumiklab noong Miyerkoles ng hapon ang kanilang mga bahay .

Iniulat ni Allan Gatus sa Dobol B sa News TV ng Super Radyo dzBB nitong Huwebes ng umaga na halos kalahati ng E. Rodriguez Avenue ang inukupa ng mga residente na nawalan ng tirahan.

Ayon sa ulat, may mga tulong nang dumating mula sa lokal na pamahalaan Wala umanong evacuation center sa lugar pero nagpatayo na ng temporary shelter ang lokal na pamahalaan.

Sa ulat ng Unang Balita, umabot sa 750 pamilya ang naapektuhan ng sunog na tumupok sa 200 bahay.

Nagtayo na ang lokal na pamahalaan ng 10 temporary shelter at ang prayoridad ay ang mga buntis, may mga sanggol, nakatatanda, at may kapansanan.

Ayon sa Bureau of Fire Protection ng Quezon City, ito na ang ika-8 beses na nagkaroon ng sunog sa lugar. —LBG, GMA News