Suspek na ang turing ng pulisya sa limang tao na unang ideklarang persons of interest sa nangyaring pagsabog ng paputok na napulot ng isang 12-anyos na sa Tondo, Manila na nauwi sa pagkasawi ng biktima.
Idineklara silang suspek matapos na hindi sila magpakita sa Manila Police District (MPD) upang hingan ng paliwanag sa nangyaring insidente sa bata, ayon sa ulat ng GMA News “24 Oras” nitong Lunes.
Ayon sa MPD, sasampahan ng reklamo ang lima sa tinatawag na regular filing. Kabilang sa mga reklamong isasampa sa kanila ay reckless imprudence resulting in homicide and serious physical injuries, at use of illegal firecrackers.
Ang lima ang pinaniniwalaang nagdala at nag-iwan ng malakas na paputok sa kalsada nang hindi ito sumabog. Sa kasamaang-palad, napulot ng bata ang paputok at sumabog nang kaniyang sindihan.
Samantala, sa isa pang insidente ng malakas na paputok, lumalabas sa post-blast investigation na naganap sa Narra Street sa Tondo noong January 1 na “atomic bomb,” ang sumabog na naging dahilan ng pagkasira ng ilang bahay at tricycle.
Gayunman, iniimbestigahan pa ng pulisya kung sino at bakit iniwan sa lugar ang naturang malakas na uri at ilegal na uri ng paputok.— FRJ GMA Integrated News
