MAKILALA, Cotabato - Aabot sa P2.3 milyon ang kabuuang danyos matapos na masunog ang isang delivery truck na may dalang libo-libong piraso ng hotdog sa bayan ng Makilala, Cotabato nitong Martes ng umaga.
Sa imbestigasyon ng Makilala Bureau of Fire Protection, mula sa Davao City at patungo sana nang Midsayap, Cotabato ang delivery truck na may kargang libu-libong piraso ng mga hotdog nang magliyab ito sa may Sitio Lambac, Barangay Malasila, bandang alas singko ng umaga.
Habang binabaybay ng sasakyan ang daan, nakaramdam umano ng init sa likurang bahagi ang driver at nang siya ay lumingon, malaki na ang apoy at unti-unti na itong kumakalat papunta sa kanila.
Dahil gawa sa fiber ang kabuuan ng delivery truck, mas lalong nagngangalit ang apoy, dahilan upang tuluyan nang abandonahin ng mga sakay nito ang sasakyan.
Ayon kay Senior Fire Inspector 1 Rey Pacris ng BFP-Makilala, nasa P150,000 din ang halaga ng mga nasirang hotdog na kanila sanang ide-deliver sa Kidapawan City at sa bayan ng Midsayap.
Pag-aari ni Froilan Mamasamayor, residente ng General Santos City, ang nasunog na delivery truck.
Lumalabas sa imbestigasyon ng Makilala BFP na maaaring diperensiya sa koneksiyon ng wiring sa sasakyan ang pinagmulan ng apoy.
Nilinaw naman ng Makilala Police na walang katotohanan ang hinala na umano'y kagagawan ng New People’s Army o NPA ang nabanggit na sunog.
Wala anila itong katotohanan, lalo pa at ang mismong tatlong mga sakay ng sasakyan ang nagsasabing kusang nagliyab ang likurang bahagi ng kanilang sasakyan. —KG, GMA News
