Arestado ang tinaguriang "The Godmother" sa isang operasyon kontra droga sa Bacoor, Cavite. Dahil sa operasyon, muli ring nagkita ang dalawang babaeng iisa pala ang asawa.

Ayon sa ulat ni Bam Alegre sa Unang Balita nitong Biyernes, kinilala ang suspek na si Aisa Juiamalo na isa umanong high-value target. Aabot sa 635 gramo ng shabu ang nakumpiska sa kaniya pero itinatanggi niya ito.

Ayon naman sa pulisya, “The Godmother” ang tawag kay Aisa ng kaniyang mga parokyano. Marami diumano siyang galamay na mga runner, dalawa rito ang kasama niyang naaresto — sina Bainoy Saidali at Nasser Makalpal.

Tumangging magbigay ng pahayag sina Saidali at Makalpal.

Sa hiwalay namang operasyon, nakuha ang dalawa pang courier na sina Ramona Punyong at Baebon Muhammad na may tig-50 gramo ng item. Humigit-kumulang P5 milyon ang halaga ng drogang nasamsam.

Domestic helper dati sa Saudi Arabia si Ramona habang si Baebon naman sa Dubai nagtrabaho bilang domestic helper.

Pero sa isa pang twist, hindi lang parehong OFW ang dalawang diumano’y runner — iisa lang din ang asawa nila na nasa Cotabato at nag-aalaga ng mga anak nila.

Hindi raw magkasundo si Ramona at ang buntis na si Baebon kaya pareho silang lumuwas sa Maynila para kumayod. —KBK, GMA News