Bilang pag-iingat laban sa novel coronavirus, ipinagbawal muna ng lokal na pamahalaan ng island garden city of samal sa Davao del Norte ang pagpapapasok ng mga turistang Tsino at iba pang mamamayan mula sa mga bansa sa Asya na mayroong kaso ng naturang virus.
Sa ulat ng GMA News TV "Balitanghali" nitong Huwebes, sinabing anunsiyo ng Public Information Office, na suspindido muna ang pagpapapasok ng mga group tour travel ng mga dayuhang turista.
"As a pro active measure to protect our people from exposure to the much dreaded Corona Virus, the Local Government Unit of the Island Garden City of Samal is temporarily suspending entry of group tour travels of Mainland Chinese tourist and other Asian nationals to our city," ayon direktiba ng lokal na pamahalaan.
Bagaman mahalaga umano sa kanila ang turismo, kailangan pa rin daw nilang protektahan ang kanilang mga mamamayan.
Sinabihan na rin daw ang mga resort owner at establisimyento na huwag munang tumanggap ng mga booking mula sa Asian tourists hangga't hindi pa nawawala ang banta sa nCoV.
Samantala, patuloy naman ang kanilang pagsubaybay sa mga turistang dayuhan na nasa kanilang lugar na.--FRJ, GMA News
