Isang babae sa Cavite ang hinipuan habang natutulog sa bus. Nahulicam niya ang suspek at kinompronta.

Ayon sa ulat ni Bam Alegre sa Unang Balita nitong Lunes, nagpatay-malisya at panay tanggi pa ang lalaki pero palaban ang biktima.

Hinuli ang lalaki at dinala sa istasyon ng pulis sa Dasmariñas kung saan paulit-ulit na humingi ng tawad ang suspek.

Pakiusap ng suspek huwag siyang ikulong dahil may sakit ang kanyang anak.

Matapos ang mahabang pakiusapan, nagpasya ang biktima na ipa-blotter na lang ang lalaki alang-alang sa anak ng suspek.

Pinalusot man, paalala ng biktima sa mga kapwa niya babae na huwag magdalawang-isip na magsalita, magalit o magsumbong kapag nakaranas ng pang-aabuso. —KBK, GMA News