Kalunos-lunos ang sinapit ng isang batang babae na natuklap ang buo niyang anit, mamaga ang pisngi at madurog pa ang mga buto sa paa matapos sumabit ang kaniyang buhok sa gilingan ng mais sa Quezon, Bukidnon.
Sa ulat ni Marisol Abdurahman sa GMA News "24 Oras" nitong Biyernes, sinabi ng ama ng walong-taong-gulang na biktima at Grade 2 student na si Leah Joy Den Lauso, na pauwi na galing sa eskwelahan ang kaniyang anak nang mangyari ang insidente.
Sa ospital, nakabenda mula ulo hanggang paa sa ospital ang biktima na nanghihina nang madatnan ng GMA News.
Kuwento ng bata, naglalakad siya pauwi mula sa eskwela nang makaramdam siya ng uhaw kaya makikiinom sana sa isang hose na malapit sa gilingan ng mais.
Pero bigla raw umaandar ang gilingan at sumabit ang kaniyang damit at buhok sa makina nito.
Nabali-balibag daw muna siya sa lakas ng makina kaya nabalian siya ng mga buto, bago tuluyang natanggal ang kaniyang anit.
Nakatakdang sumailalim sa operasyon ang biktima sa mga susunod na araw.
Patuloy na ginagamot sa Southern Philippines Medical Center sa Davao City si Leah Joy na nangangailangan ng tulong dahil sa kaniyang kalagayan.-- Jamil Santos/FRJ, GMA News
